I'm 25 years old. Male. Ano exciting? Wala naman, pero sa edad na ito napag-decidan kong mag come out sa tunay na sexuality ko (late bloomer). Yep, I am homosexual.
Matagal ko naman na ding alam. Pero nung 20 years old ako, tsaka ko lang naamin sa sarili ko na bading ako. Natatandaan ko pa yun, kasi 20th birthday ko yun. Nag emo emohan ako kasi, sa isip ko, hindi na ako teenager, malaki na ako, tapos may pag amin pang naganap sa sarili ko. Kaya may tears na umeksena.
Maliit palang medyo kakaiba na din naman yung kilos ko, although hindi super malamya at hindi naman ako kumekembot pag lumalakad, ako yung tipo ng bata na parang si Little Red Riding Hood na nag skip skip. :) Siguro iniisip ng mga tao at family ko na masayahing bata ako at ako din mismo hindi ko naman pinapansin, kasi wala pa naman ako concept ng sexuality at gender orientation nun. Grade 3 ako ng una kong ma-realize, hmmm medyo kakaiba. Kasi kasali ako sa Cub Scout nun, eh may inter school activity, so may visitors. May nakita akong isang boy sa ibang school, parang naging interesante s'ya. Nalulugod ako sa kanya, kaya pag may pila pila kunwari na dapat gawin, mine-make sure ko na nasa likod nya ako o kami yung magkasunod. Kasi diba, may sidewards na pagpila pa nung scout scout na ganun, so mata-touch nya yung shoulder ko! (hahaha! ke-bata bata, ang arte). Yun yung unang memory ko na, yep, I'm gay. Pero nung time na yun, wala lang sa akin, hindi ko nga alam na crush pala tawag dun. Nag ka-crush na pala ako bata palang. :)
Masaya ang memory ko ng elementary, ang mga bad days lang na natatandaan ko, ay pag may tumukso sa akin ng "Bakla!" shit pag ganun, bothered na bothered ako. Super nag-wo-wonder ako bakit nila sinasabi yun? Hindi naman ako flamboyant. Pero looking back, gaga pala ako, puro girls ako nakikisama nung elem ako, hindi ako sporty, malamya pagkilos ko. Stereotype ng pagiging silahis, pero sa mata ng mga bata, walang difference sa silahis at sa full blown bakla.
Hanggang HS naman, may pasulpot sulpot na tukso pa din naman ng "Bakla!". Pero hindi kasing dalas nung nasa elementary. Malamang dahil natutunan ko din na magpaka-low profile noon. Nagtago sa shell para may protection, which by the way worked for a while. Pero in the long run, hindi din nakainam, kasi, nabagbag ang self confidence ko. Sana, pala mas maaga kong na-embrace kung sino ako.
Kasi naman lumaki ako with a thinking na "You should not be gay", "Homosexuality is not normal", "Malungkot ang buhay ng mga bakla", "Mag-iisa ka lang pag tanda mo", "Peperahan ka lang ng mga lalaki". Kaya ayun, super winiwish ko na nung elemantary ako, eh phase lang ang pinagdadaanan ko. Iniisip ko na pag sapit ng puberty, datingan na ang hormones, magbibinata na ako at maa-attract na din sa mga girls (yep, matalinong bata ako, mahilig sa Science). Pero aba, pagdaan ng panahon, wala pa ding nagbago, anong klaseng phase to hindi na huminto. Kaya ayun, 20 years old ko pa na-admit sa sarili ko.
Ang nakatulong sa akin na tanggapin ang sexuality ko ay dahil sa pagbabasa at panonood about homosexuality (hindi porn! educational materials). Nagbabasa ako sa shelves ng National Bookstore, buti na lang merong available. Tsaka sa panonood din ng TV. Ang sinisisi ko kung bakit outcasted ang mga homosexuals partikular dito sa Pilipinas eh dahil sa bulag na pagtuturo ng simbahang Katoliko. Which is ironic, kasi madami akong Pari na pag pinapakinggan ko eh, ooops, bading toh! :) yung Gaydar ko ayaw tumigil sa pagtunog. Pero wala namang masama kung bading sila, ang point ko lang, sana huwag ituro bilang salita ng Diyos na labag sa kalikasan ang pagiging bakla.
Natatandaan ko pa ang unang taong sinabihan ko na "Yes. I am gay". Ang pangalan n'ya ay Glenda (hindi nya tunay na pangalan, ang tunay na pangalan n'ya ay Abcde). Magkatext kami noon, out of nowhere, tinanong ba naman ako kung gay ako, nagulat ako sa tanong, pero napag decidan ko na ding sabihin. Kasi s'ya yung babaeng nung confused pa ako ang inattempt kong ligawan. Inuulit ko attempt, kasi hindi ako marunong manligaw, isa akong tanga. :) Feeling ko type din n'ya ako kaya naitanong n'ya yun. Tinitingnan kung may patutunguhan ang pagtetextan namin. Hahaha!
Pangalawa kong sinabihan eh yung isang iniidolo ko na friend ko nun sa Friendster. Judgmental din ako. Kasi adult male s'ya at wala pa ding family, nasa 40s na s'ya nun. Inassume ko lang na homosexual din s'ya kaya sa kanya ako nag open up. Iniisip ko kung na-shock kaya s'ya, pero either way malaki ang naitulong n'ya sa akin. Medyo hindi lang ako totally agree sa ibang sinabi n'ya. Tulad ng ang homosexuality ay choice daw. Kung choice yun, aba, hindi ko na pipiliin maging kakaiba. Gusto ko na lang din maging straight. Pero sa pag-iisip, may point naman s'ya, kasi free pa din naman ako kung gusto kong magka-pamilya. Pwede naman hindi ako mamuhay bilang ako. Pero, mahirap yun, unfair sa sarili ko at unfair din sa babae. Parehong lugi kung baga. Isa pang tinanong ko sa kanya nun ay, kung aamin ba ako kapag may nagtanong sa akin na "Bakla ka ba?" ang sagot n'ya sa akin ay huwag daw ako aamin. Naiintindihan ko s'ya, gusto n'ya lang din ako protektahan at tsaka hindi naman na talaga business ng ibang tao ang sexualidad ko. Pero ang opinyon ko ngayon, sasabihin ko ang totoo, kasi ngayon, sigurado naman akong walang masama sa pagiging iba.
Ang mga parents ko nasa Amerika. Nasabi ko sa kanila early this year lang din. Sinabi ko sa isang mahabang detalyadong sulat. Maswerte ako at walang awkward moment kasi malayo sila, hindi ko nakita mga reactions nila. Ang sagot ng mom ko, "Sure ka ba?" hahaha. In fairness, natawa ako don. Ang mga parents talaga, hanggang sa huli hindi pa din nag-gi-give up sa pangarap nila para sa anak. :) Parang sinisi pa ni mom ang sarili n'ya kasi, baka daw natakot lang ako sa relationships kasi nung bata daw ako ay lagi n'ya akong kwinekwentuhan sa mga problema nila ni dad. :) Sinabi ko naman sa kanya na walang kinalaman yun. Wala naman talaga. Ngayon, hindi naman na nababanggit ang tungkol sa sexualidad ko. Na-a-awkwardan din siguro nilang pag usapan. Pero okay lang sa akin. Kung sakali namang may tanong sila open naman ako.
Tapos recently lang, sinabi ko na din sa mga close friends ko at close family ko. I believe tama ang desisyon ko, alam ko din namang naaamoy nila, pero super appreciated ko na kahit minsan eh hindi nila ako tinanong. Which means, it doesn't matter sa kanila. Beyond dun ang closeness namin. Kaya nagpapasalamat ako sa kanila. :) They know I love them. Now, I feel so free. Actually, wala namang pretentions sa part ko, ganun pa din naman actions at pag iisip ko pag kasama ko sila. Yun nga lang, hindi lang official na sinabi ko sa kanila na I'm gay. Ngayon, ayos na! :)
Hindi madaling mag come out. Mahabang proseso. Ang pinaka-mahirap na proseso ay ang pagtanggap mo sa sarili mo. Ang una mong dapat marealize ay walang masama sa homosexuality. Sa mga nag u-undergo ng identity crisis, hindi naman dapat madaliin ang proseso, kanya kanya tayo ng phase. Ang importante ay patuloy nating pinag-aaralan ang sarili natin. Magbasa, manood, magmasid, mag-isip at maging bukas. Only you can tell when the time is right.